3 airline, nangakong ibababa ang pinakamahal na pamasahe sa pagbubukas ng ASEAN Tourism Forum 2026 —Frasco

Nangako ang tatlong pangunahing airline companies sa bansa na aalisin ang kanilang dalawang pinakamahal na price bucket o fare classes upang pababain ang pamasahe sa eroplano, ayon kay Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia-Frasco sa pagbubukas ng ASEAN Tourism Forum 2026.

Idinaos ang opening ceremonies ng Association of Southeast Asian Nations Tourism Forum noong Enero 28, 2026 sa makasaysayang Liberty Shrine sa Lapu-Lapu City.

Ibinahagi ni Frasco na ang hakbang ng mga airline ay tugon sa mga reklamo ng lokal na turista na mas mahal pa umanong bumiyahe sa loob ng Pilipinas kaysa magpunta sa ibang bansa.

Nilinaw naman ni Frasco na hindi lahat ng destinasyon sa bansa ay may mataas na pamasahe, at patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DOT sa mga airline upang gawing mas abot-kaya ang domestic travel.

Samantala, binigyang-kulay ng mga cultural performance at lutuing Pilipino ang pagbubukas ng forum, kung saan nasilayan ng mga ASEAN delegates ang kultura ng Cebu.

Nagpakitang-gilas ang mga batang arnisador at mga miyembro ng Lapu-Lapu City Performing Arts, Minglanilla Dance Company, at Liloan Performing Arts sa pamamagitan ng mga sayaw, awit, at demonstrasyon ng sining ng pakikipaglaban.

Dumalo rin sa okasyon si First Lady Liza Araneta-Marcos bilang kinatawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ang mensahe ng Pangulo para sa mga delegado ay binasa ni Frasco.

Bilang simbolikong pagbubukas ng ASEAN Tourism Forum, pinatunog ni Frasco ang gong kasama ang mga tourism ministers ng mga bansang kasapi ng ASEAN. | via Judea Bernardo, D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *