299 Pinoy ligtas na nakauwi mula Mideast

Ligtas na nakauwi sa bansa ang 299 Pilipinong naapektuhan ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Dumating ang grupo sa NAIA Terminal 3 sa Pasay City mula Dubai sakay ng Emirates Airlines Flight 336.

Ayon sa DMW, ilan sa mga umuwi ay pinayuhan ng kanilang employer na bumalik muna sa Pilipinas para sa kanilang kaligtasan, habang ang iba ay mga OFW na natapos na ang kontrata o umuwi para sa personal na dahilan.

Personal na sinalubong ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang mga returnee at nagpasalamat sa Emirates at sa pamahalaan ng United Arab Emirates sa pag-aalaga at pagtulong sa pag-aayos ng kanilang pag-uwi.

Nagbigay ang pamahalaan ng tulong pinansyal, pansamantalang tirahan, transportasyon, medical assistance at psychosocial support sa mga umuwi.

Samantala, ayon sa Migrant Workers Office, umabot na sa 1,979 Pilipino ang opisyal na humiling ng repatriation mula sa iba’t ibang bansa sa rehiyon, kabilang ang Kuwait, Bahrain, Abu Dhabi, Dubai, Qatar, Saudi Arabia, Israel, Lebanon at Jordan. | via Miguel Borbon, D8TV News Intern

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *