Nagpahayag ng pasasalamat ang pamahalaan ng Pilipinas sa Singapore government matapos nitong tumulong sa pagpapauwi ng 24 na overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Jeddah, Saudi Arabia sa gitna ng limitadong flight availability dulot ng patuloy na tensyon sa Middle East.
Magkasamang tumulong ang Philippine Consulate General at Singapore Consulate General sa Jeddah upang mapabilang ang mga OFW sa repatriation flight na inorganisa ng Singapore.
Umalis ang eroplano mula sa King Abdulaziz International Airport sa Jeddah noong March 12, 2026, at dumating sa Singapore ngayong March 13, 2026.
Pagdating sa Singapore, agad na tinulungan ng Migrant Workers Office (MWO) at ng Overseas Workers Welfare Administration, kasama ang Philippine Embassy sa Singapore, ang mga OFW sa pamamagitan ng pagbibigay ng financial assistance at pag-asikaso ng kanilang mga susunod na flight pauwi ng Manila.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, ang tulong ng Singapore ay nagpapakita ng diwa ng pagkakaisa at pagtutulungan ng mga bansa sa loob ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). | via Joana Luna, D8TV News
