Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na nanggaling ng Pilipinas noong nakaraang buwan ang dalawang suspek sa pamamaril sa Bondi Beach sa Sydney, Australia.
Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, ang Indian nationals at mag-amang sina Sajid Akram, 50 taong gulang at Naveed Akram, 24 taong gulang ay dumating sa bansa noong November 1.
Galing ng Davao umano ang mga ito bago umalis ng bansa noong November 28.
Batay sa isang ulat, ang mag-ama ay sumailalim umano sa “military-style training” isang buwan bago ang pamamaril.
Ngunit hindi agad naging malinaw ang kanilang naging aktibidad sa bansa o kung nagpunta sila sa ibang lugar matapos magtungo sa Davao City.
Kilala ang rehiyon kung saan aktibo ang mga teroristang grupo kabilang ang mga organisasyong may kaugnayan sa ISIS.
Sa ngayon, iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang dahilan ng pagbisita ng dalawa.
Noong Linggo, nangyari ang pamamaril sa Hanukkah celebration ng Jewish community sa Sydney, Australia noong December 14 kung saan 16 katao ang nasawi.
