Ayon kay weather specialist Chenel Dominguez, magdadala ang amihan ng maulap na panahon na may mahihinang pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera, Aurora, at Quezon. Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon, asahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang pag-ambon.
Samantala, ang easterlies ay magdudulot ng maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa Visayas, Northern Mindanao, Caraga, at Davao Region. Sa ibang bahagi ng Mindanao, inaasahang mainit at maalinsangan sa tanghali ngunit may tsansa ng panandaliang pag-ulan sa hapon at gabi.
Wala pang binabantayang sama ng panahon ang PAGASA, ngunit may babala ng malalakas na alon sa baybayin ng Batanes, Cagayan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at Isabela dahil sa amihan. Pinapayuhan ang publiko na mag-ingat, lalo na sa mga lugar na nakaranas na ng pag-ulan nitong mga nakaraang araw. – via Allan Ortega | Photo via dreamstime
2 sistema ng panahon ang magdudulot ng pag-ulan sa buong Pilipinas ngayong araw
