2 LPA at Easterlies, magdadala ng pag-ulan sa bansa

Maghanda sa ulan, Pilipinas! Ayon sa PAGASA, halos buong bansa ay uulanin ngayong Martes dahil sa dalawang low pressure area at epekto ng easterlies.

Unang LPA, nasa 460 kilometro kanluran ng Coron, Palawan, nasa loob ng PAR pero mababa ang tsansang maging bagyo. Ikalawa, nasa 190 kilometro silangan ng Juban, Sorsogon, labas ng PAR at maliit din ang posibilidad na lumakas. Pero kahit mahina, parehong magdadala ng ulan.

Asahan ang kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat sa Bicol, Central at Eastern Visayas, Aurora, Quezon, Rizal, Bulacan, Nueva Ecija, Quirino, at Nueva Vizcaya.

Ganito rin ang sitwasyon sa Metro Manila, Mimaropa, Calabarzon, at iba pang bahagi ng Visayas. Dagdag pa ang ulan mula easterlies sa Cagayan Valley at habagat sa Zamboanga, Northern Mindanao, BARMM at Soccsksargen.

Paalala ng PAGASA, posible ang flash floods at landslides lalo na kung tuloy-tuloy ang buhos ng ulan. Sa Ilocos, Cordillera at natitirang bahagi ng Mindanao naman, isolated rain showers ang aasahan.

Samantala, katamtaman hanggang maalon ang dagat sa Northern at Central Luzon. Sa iba pang lugar, banayad hanggang katamtaman ang alon at hangin. Kaya’t huwag kalimutan ang payong, at maging alerto sa mga weather update ng PAGASA. | via Ghazi Sarip, D8TV News | Photo via DOST-PAGASA

#D8TVNews #D8TV

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *