Nagparamdam umano kay Interior Sec. Jonvic Remulla ang itinuturong mastermind at financier ng sinalakay na iligal na pagawaan ng sigarilyo sa Mexico, Pampanga noong January 28.
Pero ayon kay Remulla, hindi niya kinausap ang mga ito dahil ongoing ang kanilang isinasagawang imbestigasyon.
Hindi pinangalanan ni Remulla ang dalawang kongresista mula sa Central Luzon pero sila umano ang nasa likod ng iligal na pagawaan ng sigarilyo.
Ikinagulat umano ni Remulla ang ginawang pag-contact sa kanya ng mga ito dahil alam agad nila na sila ang tinutukoy kahit hindi niya ito isinapubliko.
Giit pa ng opisyal, ayaw niyang kausapin ang mga nasabing pulitiko dahil patuloy pa rin ang kanilang isinasagawang money trail at linked chart kaugnay ng imbestigasyon kung saan lumalabas na sila ang mastermind at financier ng iligal na pabrika ng sigarilyo.
Isinagawa ang joint operation ng Bureau of Internal Revenue, Bureau of Customs, Philippine National Police, Criminal Investigation and Detection Group at Department of the Interior and Local Government noong January 28 sa mga warehouse ng Samyoung Global Corporation sa Barangay Panipuan.
Naaresto sa operasyon ang anim na Chinese national habang nailigtas ang 65 Pilipino na nasa inhumane condition. | via Allen Ibañez
