Hindi bababa sa 18 indibidwal ang nasawi habang 10 pa ang nawawala sa paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3 sa may isla ng Baluk Baluk sa Basilan noong Lunes ng madaling araw, January 26.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), 344 ang kumpirmadong pasahero ng barko na patungo sanang Jolo, Sulu mula Zamboanga City.
Kabilang sa nawawala ang kapitan ng barko, pitong crew member at isang PCG Sea Marshall.
Ang mga nakaligtas ay dinala sa Basilan at Zamboanga, ngunit nahihirapan ang mga lokal na responder dahil sa biglaang dami ng pasyente at kakulangan ng medical staff.
Sa ngayon, hindi pa malinaw ang sanhi ng paglubog.
Ayon sa PCG, hindi overloaded ang barko at pasok sa pinahihintulutang kapasidad.
Walang ring naiulat na oil spill.
Inuuna pa rin ng mga awtoridad ang rescue operations habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Ang insidenteng ito ay muling nagpaalala sa mahabang kasaysayan ng aksidente sa mga inter-island ferry sa Pilipinas, kung saan marami ang umaasa sa murang pamasahe. | via Allan Ortega
