18 Chinese vessel, namataan sa WPS

Nakamonitor ang Philippine Navy ng kabuuang 18 Chinese vessel sa bahagi ng West Philippine Sea mula Pebrero 15 hanggang 22.

Ayon kay Navy spokesperson for WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, siyam na sasakayang pandagat ng Tsina ang namataan sa Bajo de Masinloc, apat dito ay mula sa People’s Liberation Army Navy at lima mula sa China Coast Guard.

Napansin din ang presensiya ng apat na barko ng China sa Ayungin Shoal, tatlo sa Escoda Shoal, at dalawa malapit sa Pag-asa Island.

Nitong Lunes, inakusahan ng Philippine Coast Guard ng umano’y signal jamming ang China habang nagsasagawa ng maritime patrol ang mga barko ng Pilipinas sa bahagi ng Bajo de Masinloc.

Noong 2016, nag-isyu ng desisyon ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague na pabor sa Pilipinas, sa pagsasabing walang ligal na batayan ang malawak na claim ng China sa South China Sea, isang desisyong hindi naman kinikilala ng Beijing. | via Joana Luna, D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *