Nagbabala ang Federation of Free Farmers (FFF) na maaaring mabigat ang epekto ng 17% na taripa ng U.S. sa mga produktong agrikultural ng Pilipinas. Kahit hindi pinakamataas ang buwis na ipapataw sa atin, baka tumaas pa rin ang presyo ng ating exports, tulad ng niyog at langis ng niyog, na posibleng bumagsak ang demand sa U.S. market.
Binara naman agad ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel ang babala ng FFF, sabing “mali ang analysis” at parte lang ito ng pagpapapansin ngayong eleksyon.
Pero giit ni dating Agri Secretary Leonardo Montemayor, baka mas lalong kawawa ang mga lokal na magsasaka kung hindi tutugunan ng gobyerno ang problema—lalo pa’t ang ibang bansa ay baka suportahan ang kanilang exporters habang tayo’y ‘bahala na.’
May pangamba rin ang FFF na baka dagsain tayo ng murang imported agri products mula sa mga bansang tinamaan din ng retaliatory tariffs ng U.S.
Sinabi ng grupo ng mga industriya sa agrikultura (SINAG) na dapat pag-aralan ang epekto, pero inamin nilang maaring tumaas ang presyo ng feeds at fertilizers.
Sa Kongreso naman, kampante si Rep. Jude Acidre na hindi masyadong tatamaan ang Pilipinas dahil “wala pa tayong nakikitang direktang epekto.”
Sa datos ng PSA, $1.95 bilyon ang agri trade deficit ng bansa sa U.S. noong 2024—mas marami pa tayong ini-import kaysa ini-export. | via Allan Ortega | Photo via dreamstime.com
#D8TVNews #D8TV