13 Filipino crew members ng isang tumaob na cargo ship ang sinagip ng China Coast Guard bago mag-umaga ng Biyernes, January 23.
Ayon sa Chinese Embassy sa Maynila, isang dumaraang barko ng CCG ang tumugon sa distress call ng M/V Devon Bay na patungo sanang Yangjiang, China mula Gutalac, Zamboanga del Norte.
Ayon sa embahada, may kabuuang 21 Pilipino ang sakay ng lumubog na barko na kargado ng iron ore.
Samantala, kinumpirma ng Philippine Coast Guard o PCG ang pagsagip ng mga tripulante alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS na nag-aatas sa lahat ng estado na tulungan ang mga taong nasa panganib sa dagat.
Batay sa paunang ulat, natanggap ng PCG ng distress report mula sa barko 141 nautical miles sa kanluran ng Pangasinan. Nakatagilid na umano ito ng humigit-kumulang 25 degrees.
Ayon sa PCG, tuloy-tuloy ang mahigpit na pagmo-monitor nila sa sitwasyon at nananatiling nakatuon sa pagtiyak ng kaligtasan ng natitirang mga tripulante. | via Judea Bernardo
