12 Biktima ng Illegal Recruitment at Human Trafficking, Narescue mula Myanmar

Ligtas nang nakauwi sa bansa ang 12 Pilipinong biktima ng illegal recruitment at human trafficking mula Myanmar matapos ang matagumpay na repatriation efforts ng pamahalaan. Kasalukuyan silang tinutulungan ng Department of Migrant Workers (DMW) upang makuha ang kinakailangang suporta at tulong.

Dumating ang mga biktima sa NAIA Terminal 3 sa Pasay City noong Pebrero 19, 2025, sakay ng Cebu Pacific 57864, sa tulong ng Philippine Embassy at Migrant Workers Office sa Bangkok.

Pagdating sa bansa, agad silang binigyan ng psychosocial services, pinansyal na ayuda, at legal assistance mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang DMW, Bureau of Immigration (BI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Bureau of Investigation (NBI), Department of Justice (DoJ), at NAIA Task Force Against Trafficking (NAIA-TFAT).

Pagkalinlang sa Pekeng Trabaho
Na-recruit ang mga biktima sa pamamagitan ng Facebook ng isang kapwa Pilipino, na nag-alok ng trabahong customer sales representative sa Myanmar. Ngunit sa halip, pinilit silang magtrabaho bilang online scammers nang walang suweldo at pahinga.

Pinahirapan din sila ng kanilang mga recruiter—binugbog gamit ang PVC sticks, kinuryente, at pinarusahan ng matinding pisikal na gawain tulad ng duck walk, frog walk, at squat jumps sa loob ng ilang oras.

Dahil sa matinding pang-aabuso, nakiusap silang makaalis, ngunit hiningan sila ng $15,000 ng kanilang employer bilang kapalit ng kanilang paglaya. Dahil hindi makabayad, tumakas sila mula sa tinaguriang scam city at natulungan ng militar ng Myanmar.

Kabilang sila sa 250 katao na napalaya mula sa scam center sa Myanmar at kalaunan ay pinayagang makatawid sa Thai border sa Phop Phraas.

Babala ng DMW sa mga OFW
Muling nagbabala ang DMW sa mga OFW at Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na maging maingat sa mga job offers sa social media. Pinapayuhan ang publiko na beripikahin ang lehitimong recruitment agency at job orders sa pamamagitan ng DMW website (https://dmw.gov.ph/).

Ang pamahalaan ay patuloy na nakabantay laban sa human trafficking at illegal recruitment upang maprotektahan ang mga Pilipino mula sa ganitong uri ng pagsasamantala. – Allan Ortega | Photo via DMW

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *