Handa na ang Philippine National Police para sa ikatlong Trillion Peso March na isasagawa sa EDSA Shrine at People Power Monument sa February 25.
Magde-deploy nang kabuuang 11,498 na pulis mula sa National Capital Region Police Office para magbigay ng seguridad sa 2-day event.
Ayon kay PNP Spokesman Brig. Gen. Randulf Tuaño, inaasahan na aabot sa 100,000 katao ang lalahok.
Saad pa ni Tuaño, walang namo-monitor na banta ang PNP kaugnay ng malaking pagtitipon, ang ikatlo sa serye ng mga pagkilos bilang protesta sa malawakang korapsiyon kaugnay sa mga maanomalyang flood control projects.
Iniutos naman ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa NCRPO at sa iba pang police commander na makipagpulong at makipag-ugnayan sa mga organizer para matiyak na ang mga aktibidad ay maisasagawa ng ligtas at mapayapa. | via Allen Ibañez
