₱640M na halaga ng marijuana, nasabat sa Manila Port

Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang 800 kilo ng hinihinalang marijuana o “kush” na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱640 milyon sa isang operasyon sa Manila International Container Port (MICP) sa Tondo, Maynila madaling-araw ng Marso 7, 2026.

Pinangunahan ang interdiction operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pakikipagtulungan ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Coast Guard (PCG) sa Designated Examination Area ng Container Facility Station 3.

Sa operasyon, naaresto ang isang 44-anyos na lalaki na gumagamit ng alyas na “Manalo”, residente ng Legazpi City, matapos matuklasan ang iligal na droga na nakatago sa mga shipment package na sumailalim sa inspeksiyon sa pantalan.

Ayon sa mga awtoridad, ang mga nakumpiskang illegal drugs ay nakalagay sa 80 itim na plastic storage boxes.

Bukod sa droga, nakumpiska rin ang cellphone at ID ng suspek.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act No. 9165 ang suspek.

Samantala, ipapadala sa PDEA Laboratory Service ang mga nakuhang ebidensiya para sa forensic examination habang isasailalim sa inquest proceedings ang suspek. | via Allan Ortega, D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *