Mahigit ₱102 milyon ang napunta sa kaban ng bayan matapos isagawa ng Bureau of Customs ang public auction ng mga nakumpiskang luxury vehicles.
Batay sa BOC, umabot sa ₱102.46 milyon ang nalikom mula sa bentahan ng mga sasakyang nasabat dahil sa kakulangan ng kaukulang dokumento.
Pormal itong itinurn-over ng BOC sa Bureau of Treasury, kung saan tinanggap ni Atty. Jerekko Cadorna ng Complaints and Investigation Division bilang kinatawan ni National Treasurer Sharon Almanza.
Kabilang sa mga sasakyang isinailalim sa auction ang ilang luxury vehicles na iniuugnay sa pamilya Discaya.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, makatutulong ang nalikom na pondo upang masuportahan ang iba’t ibang programa at proyekto ng pamahalaan.
Samantala, nakatakda naman sa March 17 ang susunod na public auction ng Bureau of Customs para sa natitira pang smuggled luxury vehicles na nasa kustodiya ng ahensya.| via Felix Laban, D8TV Stringer
